Ang Kataas-taasang, Kagalang-galang Katipunan ng̃ mg̃á Anak ng̃ Bayan o mas kilala bilang Katipunan at KKK ay isang lihim na samahan na itinatag sa Pilipinas ni Andres Bonifacio na may layuning palayain ang bansa sa ilalim na ng mga mananakop na Espanyol.
Dahil sa isang pagiging lihim na samahan, isinailalim ang mga kasapi nito sa lubusang paglilihim at inaasahan sila na tumalima sa mga patakarang ipinapairal ng samahan.[1] Ang mga nais sumapi sa samahan ay pinadadaan sa seremonya ng pagbunsod upang maging ganap na kasapi. Noong una, ang mga kalalakihang Pilipino lamang ang tinatanggap, ngunit noong lumaon ay nagpapasapi na rin sila ng mga kababaihan. May sariling pahayagan ang Katipunan, na tinatawag na Kalayaan na nagkaroon ng una at huling paglimbag noong Marso 1896. Umusbong ang mga kaisipan at gawaing rebolusyonaryo sa samahan, at pinayaman ng ilang mga tanyag na kasapi nito ang literatura ng Pilipinas.
Sa pagpaplano sa rebolusyon, nakipagtalastasan si Bonifacio kay Rizal para sa kaniyang lubos na pagsuporta sa Katipunan kapalit ng pangako ng pagsagip kay Rizal mula sa pagkapiit. Noong Mayo 1896, isang delegasyon ang pinadala sa Emperador ng Hapon para makalikom ng pondo at mga sandata. Nabunyag ang Katipunan sa pamahalaang Kastila noong umamin ang isang kasapi na si Teodoro Patiño sa kaniyang kapatid na babae ukol sa mga ilegal na gawain ng Katipunan, at kinalaunan sa madreng pinuno ng Ampunang Mandaluyong. Pitong taon matapos ang pagkakatuklas ng mga Kastila sa Katipunan, pinunit ni Bonifacio at ang kaniyang mga tauhan ang kanilang mga cedula sa Sigaw sa Pugadlawin, na nagpasimula ng Rebolusyong Pilipino.
http://tl.wikipedia.org/wiki/Katipunan